top of page

TRANSGENDER AWARENESS MONTH: Ang Papel ng "Family Acceptance" sa Buhay ng mga Transgenders

  • Writer: FTS Lobo Organization INC.
    FTS Lobo Organization INC.
  • Nov 4
  • 3 min read

Updated: 4 days ago

ree

Tuwing buwan ng Nobyembre, ipinagdiriwang natin ang Transgender Awareness Month. Ito ay isang panahon para kilalanin, pakinggan, at ipagdiwang ang ating mga transgender brothers, sisters, at siblings. Panahon din ito para kilalanin ang tapang at lakas ng mga taong piniling mabuhay nang totoo, kahit pa minsan, kapalit nito ay pagtanggi at diskriminasyon.


Pero higit sa awareness at kulay ng selebrasyon, may mas malalim na tanong na laging pinag-iisipan tulad na lamang ng: “Tatanggapin pa rin kaya ako ng pamilya ko kung ipakita ko kung sino talaga ako?”


Para sa atin, ang pamilya ang una nating tahanan. Ito ang unang paaralan ng pagmamahal, respeto, at pagkatao. Pero para sa ilang transgender individuals, minsan ito rin ang unang lugar kung saan sila natutong matakot. Takot na baka hindi na mahalin, takot na baka itakwil, takot na baka matawag na “ibang tao.”


Ang pagiging transgender ay hindi pagkukulang, hindi kasalanan, at lalong hindi rebelyon. Ito ay katotohanang matagal nang bahagi ng isang tao. Ang katotohanang gusto lang niyang ipakita sa mundo. Pero sa isang lipunang madalas ay mabilis humusga, madalas napipilitan silang itago ang sarili, dahil ang pinakamalaking sakit ay hindi galing sa mga estranghero, kundi galing sa mismong tahanan na dapat unang yumakap sa kanila.


Maraming trans individuals ang lumalaban araw-araw sa tanong na:

“Kung sabihin ko ba ang totoo, matatanggap pa rin kaya nila ako?”


At doon nakasalalay ang kanilang pag-asa. Dahil ang pagtanggap ng pamilya ay hindi lang nakakapagpabago ng buhay. It saves lives.


Kapag tinanggap ng pamilya ang isang transgender na anak, parang may ilaw na muling bumubukas sa loob nila. Ang dating takot ay napapalitan ng tapang. Ang dating hiya ay napapalitan ng tiwala. At ang dating sugatang puso ay natututong magmahal muli, hindi lang sa iba, kundi sa sarili rin.


Ang simpleng mga salitang “Anak, mahal ka namin kahit ano ka pa” ay parang gamot sa sugat na matagal nang iniinda. Hindi mo kailangang intindihin ang lahat agad-agad para tanggapin. Minsan sapat na ang yakap, ang pakikinig, at ang pagpiling manatili.


Oo, ang pagtanggap ay proseso.May mga magulang na nangangapa pa, may mga kapatid na kailangan pa ng panahon para maunawaan. Pero bawat bukas na pag-uusap, bawat tanong na may malasakit, bawat pagyakap na walang kondisyon, lahat yan ay hakbang papunta sa mas maunawaing tahanan.


Kung pamilya ang unang nagturo sa atin kung paano magmahal, sila rin sana ang unang magpapatunay na ang pagmamahal ay walang limitasyon ng kasarian. Kung tahanan ang unang lugar kung saan tayo natutong maging totoo, sana ito rin ang unang lugar kung saan tanggap tayo sa ating kabuuan.


Sa FTS Lobo Organization Inc., naniniwala kami na ang pagtanggap ay pinakamatinding anyo ng pag-ibig. Ito ang uri ng pag-ibig na hindi humihingi ng paliwanag, hindi naglalagay ng kondisyon, at hindi nakabase sa anyo o boses, kundi sa puso.


Kaya para sa bawat pamilya, bawat magulang, at bawat kapatid, Kung kaya mong sabihin, “Anak, mahal kita kahit ano ka pa,” kaya mong baguhin ang mundo ng isang tao.


At para sa lahat ng transgender individuals na patuloy na lumalaban para maramdaman na sila ay sapat, huwag mong kalimutan na lagi't lagi, karapat-dapat kang mahalin, kasi totoo ka. 


ree

TRANSGENDER AWARENESS MONTH: Ang Papel ng "Family Acceptance" sa Buhay ng mga Transgenders


This piece was written by a proud member of FTS Lobo Organization Inc. who has chosen to remain anonymous. Their voice reflects the lived experiences of our community, and we honor their decision to share their story while keeping their identity private.


📸 Photo Credits: All images used in this article belong to their rightful owners. No copyright infringement intended. Credits to the original artists and creators.


Want your story featured? Email us! We’re always listening. Stay tuned for more stories, features, and behind-the-scenes updates from the heart of FTS LOBO. Let’s continue making spaces that heal, celebrate, and empower. FTS LOBO—Where Every Identity Finds a Home.


HELP US CONTINUE OUR MISSION!




Comments


bottom of page