top of page

EUPHEMISM: The Double-Edged Tongue

  • Writer: FTS Lobo Organization INC.
    FTS Lobo Organization INC.
  • Sep 7
  • 2 min read

Sa bawat tawa, biro, o palusot na salita, minsan hindi natin namamalayan na may bigat itong bitbit. Bilang bahagi ng LGBT community at advocate sa FTS LOBO, isa sa mga bagay na madalas kong napapansin ay kung paano ginagamit ng tao ang euphemisms o ang mga salitang pampalambot o palusot, kapag tungkol na sa atin ang usapan.


Ilan sa mga karaniwang naririnig natin: “malambot,” “hindi straight,” “iba ang trip,” o “creative.” Sa una, parang harmless lang, minsan nakakatawa pa. Pero kung tutuusin, bakit kailangan pang iwasan ang diretsong salita na “gay,” “lesbian,” “bisexual,” o “transgender”? Bakit parang may hiya o takot kapag binabanggit ang mismong identity natin? Ito ang masakit na katotohanan: kapag hindi kaya ng lipunan na pangalanan tayo ng malinaw, para bang sinasabi nilang ang existence natin ay dapat pag-usapan nang pabulong o palihim.


Ang euphemisms ay parang tabing na nakakubli sa tunay na kulay at pagkatao natin. At habang iniisip ng iba na “mas magaan” o “mas maganda” pakinggan ang euphemism, sa atin naman, ito ay nagiging simbolo ng pagtanggi at pag-iwas.


Hindi ibig sabihin na mas mabuti na ito kaysa sa diretsong insulto ay sapat na. Kasi kahit palambot pa, kapag paulit-ulit, unti-unting sinasanay ang lipunan na hindi tayo banggitin nang diretsahan. Unti-unti nitong tinuturo sa susunod na henerasyon na ang LGBT identities ay hindi “normal” o dapat itago sa ibang salita. Ang ganitong klase ng katahimikan, kahit hindi kasing ingay ng diskriminasyon, ay isa ring paraan ng pagtanggal ng ating pagkilala at dignidad.


Pero dito pumapasok ang tapang ng ating komunidad. Sa FTS LOBO, lagi naming pinapaalala: tama lang na pangalanan natin ang ating sarili, at ipagmalaki ito. Kapag sinasabi natin nang buong tapang ang “I am gay,” “I am bisexual,” “I am transgender,” binabasag natin ang stigma na pilit tinatabunan ng euphemisms. Pinapakita natin na hindi nakakahiya ang identity natin, at hindi ito dapat takasan o palambutin.


Kaya naniniwala kami: words matter. Ang bawat salitang ginagamit natin ay may kapangyarihang magturo ng respeto, o magtago ng diskriminasyon. Ang hamon sa atin ngayon ay piliin ang mga salitang nagbibigay-buhay, hindi yung nagkukubli ng katotohanan.


Sa FTS LOBO, dala namin ang paniniwalang: hindi dapat pinapalambot ang katotohanan ng ating pagkatao. Hindi tayo dapat pag-usapan sa mga palusot. Dapat tayong kilalanin, pakinggan, at ipagdiwang. Dahil ang ating makulay na puso ay hindi kailanman para itago.


EUPHEMISM: The Double-Edged Tongue


This piece was written by a proud member of FTS Lobo Organization Inc. who has chosen to remain anonymous. Their voice reflects the lived experiences of our community, and we honor their decision to share their story while keeping their identity private.


Want your story featured? Email us! We’re always listening. Stay tuned for more stories, features, and behind-the-scenes updates from the heart of FTS LOBO. Let’s continue making spaces that heal, celebrate, and empower. FTS LOBO—Where Every Identity Finds a Home.

Comments


bottom of page