ANXIETY & DEPRESSION: Ang Mga Sugat na Hindi Mo Nakikita
- FTS Lobo Organization INC.

- Oct 27
- 3 min read
TOTOO ANG ANXIETY AT DEPRESSION. Hindi ito basta simpleng “lungkot,” “kabog ng dibdib,” o “drama sa buhay.” Hindi rin ito agad nawawala kapag sinabihan kang “kaya mo ’yan.” Ito ay mga laban na nangyayari sa loob ng isipan, tahimik, pero totoo. Mabigat, pero kadalasang hindi nakikita.

Ang mga taong may anxiety at depression ay hindi mahina. Kadalasan, sila pa ang pinakamatatag dahil araw-araw nilang nilalabanan ang mga bagay na hindi natin nakikita. Ginigising nila ang sarili kahit gusto na lang manatili sa kama. Ngumiti sila kahit may luha sa likod ng tawa. Lumalaban sila kahit wala silang kasiguraduhan kung hanggang kailan nila kaya.
Ang katotohanan, KAHIT SINO ay puwedeng makaranas nito. Lalaki o babae, bata o matanda, may kaya man o wala. Walang pinipiling estado, kasarian, o relihiyon ang mental health. Pero para sa marami sa LGBT community, madalas mas mabigat ang laban. Sa isang mundong hindi pa ganap na nakakaintindi, marami ang natutong magtago ng sarili, magpanggap na okay, o magpatawa para lang hindi mapansin ang sakit.
Ilang beses na ba nilang narinig ang mga salitang “phase lang ’yan,” “magbago ka,” o “sayang ka”? Mga salitang akala ng iba’y simpleng opinyon, pero sa totoo lang, mga punyal na tumatama sa puso.

Kaya hindi nakapagtataka kung bakit maraming miyembro ng LGBT community ang nakararanas ng matinding anxiety, depression, at takot. Takot hindi lang sa mundo, kundi minsan, sa sarili rin.
Pero huwag nating kalimutan. HINDI LANG SA LGBT COMMUNITY ITO NANGYAYARI. Maraming tao sa iba’t ibang larangan ang tahimik ding lumalaban. Yung estudyanteng laging first honor pero pag-uwi umiiyak sa pagod. Yung magulang na tinitiis ang stress para lang mabuhay ang pamilya. Yung kaibigang laging masaya sa labas pero bugbog na sa loob.
Kaya sana bago tayo manghusga o magbiro tungkol sa “sad boy” o “sad girl,” alalahanin natin, baka hindi lang nila sinasabi, pero may mabigat silang dinadala. Minsan, isang “kamusta ka?” lang mula sa atin ay sapat na para mapalambot ang araw ng taong halos sumuko na.
Ang paghingi ng tulong ay hindi kahinaan. ITO AY ISANG KATAPANGAN. Hindi ka mahina dahil umiyak ka. Hindi ka baliw dahil humingi ka ng tulong. At lalong hindi mo kailangang mag-isa sa laban mo. Ang pag-usapan ang mental health ay hindi nakakahiya. Ito ay tanda na pinipili mong mabuhay, maging maayos, at maghilom.
Kung may kakilala kang tahimik nitong mga nakaraang araw, baka kailangan lang niyang maramdaman na may nakikinig. Kung ikaw naman mismo ang lumalaban, tandaan mo:
HINDI KA NAG-IISA.
HINDI KA SIRA.
HINDI KA PABIGAT.
MAHALAGA KA.
At kahit minsan pakiramdam mo ay wala kang halaga, maniwala ka! May mga taong handang umalalay sayo, kahit hindi mo pa sila kilala.
“Nagsisimula ang paggaling sa sandaling aminin mong pagod ka at karapat-dapat kang gumaan ang pakiramdam. Hindi mo kailangang maging okay palagi. Ang mahalaga, hindi mo tinigilan ang pag-asa.”
ANXIETY & DEPRESSION: Ang Mga Sugat na Hindi Mo Nakikita
This piece was written by a proud member of FTS Lobo Organization Inc. who has chosen to remain anonymous. Their voice reflects the lived experiences of our community, and we honor their decision to share their story while keeping their identity private.
Want your story featured? Email us! We’re always listening. Stay tuned for more stories, features, and behind-the-scenes updates from the heart of FTS LOBO. Let’s continue making spaces that heal, celebrate, and empower. FTS LOBO—Where Every Identity Finds a Home.
📸 Photo Credits: All images used in this article belong to their rightful owners. No copyright infringement intended. Credits to the original artists and creators.




That is why it is really important to be kind always. We never know what a person is going through. Laban lang! It is never an embarrasment to ask for help.